‘Sen. Miriam Defensor-Santiago Avenue’, aprub sa Quezon City LGU
Kapalit ng Agham at BIR Road
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na welcome at buong puso nilang sinusuportahan ang pag-apruba ng Senado sa panukalang ipangalan kay dating Senator Miriam Defensor-Santiago ang Agham at BIR Roads sa lungsod, dahil ito’y malaking karangalan para sa kanila.
“Buong puso po nating sinusuportahan ang hakbang na ito ng Senado na ipangalan kay dating Senador Miriam Defensor-Santiago ang dalawang kalsada ng ating lungsod,” ayon pa kay Mayor Joy, sa isang pahayag.
Anang alkalde, “Napakalaki pong karangalan para sa ating siyudad na dalhin ang pangalan ng ating senadora na walang takot na lumaban kontra katiwalian at tumayo para sa kapakanan at karapatan ng taumbayan.”
Matatandaang sa 22 affirmative votes at zero negative votes o abstention, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7413 na naglalayong palitan ang pangalan ng Agham Road at BIR Road at gawin itong “Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue.”
Si Santiago, na pumanaw noong Setyembre 2016 matapos ang pakikipaglaban sa lung cancer ay humawak ng maraming posisyon sa tatlong sangay ng pamahalaan.
Nagsilbi rin siya bilang presiding judge ng Quezon City Regional Trial Court at nagtrabaho bilang Commissioner ng Bureau of Immigration (BI) at kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR). Tatlong termino rin siyang naging senador ng Pilipinas.— Angie dela Cruz
- Latest