3 sugatan sa pamamaril sa Malabon
MANILA, Philippines — Tatlong magbabarkada ang sugatan, matapos pagbabarilin ng dalawang lalaking matagal na umano nilang kaalitan sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Isinugod ng kanilang mga kaanak sa pagamutan ang mga biktimang sina Alfredo Garing, 58; Diosdado Lorenzo, 58, at Dennis Llenado, 32, na pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Sina Llenado at Garing ay kasalukuyang nakaratay sa Tondo Medical Center habang sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City naman inilipat si Lorenzo.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, pinapanood ni Garing ang paglalaro ng chess ng mga kaibigan sa Blk 4 Kadima dakong alas-11:30 ng gabi nang biglang dumating ang mga suspek na sina Alfredo Cruz, 37 at Marlon Garganta, 38 ng Sitio Ballot, Brgy. Tonsuya na kapwa armado ng baril at niratrat ang mga biktima.
Sa kabila ng tinamong sugat, nagawa pang makatakbo ang mga biktima na dahilan upang tumakas na ang mga suspek patungo sa hindi nabatid na direksiyon.
Nagsagawa ng follow up operations ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.
Sinampahan na ng kasong frustrated murder ng pulisya ang mga suspek.
- Latest