Pro at Anti- Marcos groups nagkairingan sa Plaza Miranda
MANILA, Philippines — Nagkairingan ang mga raliyistang pro at anti-Marcos sa bisinidad ng Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila kahapon ng umaga dahilan para itaboy sila pareho ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) para hindi maantala ang nagaganap na mga aktibidad sa simbahan ng Quiapo.
Sa ulat, nabatid na unang pinayagan ng mga pulis ang mga demonstrador na magsagawa ng kanilang programa sa gilid ng Quaipo Church kaugnay ng ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
May bitbit na mga banners, tarpaulins at sumisigaw ang mga anti-Marcos na gumagamit pa ng loudspeakers.
Nagsagawa rin ng dramatisasyon ang mga militante ng umano’y panggigipit na ginawa noong panahon ng Martial Law.
Dumating naman ang grupo ng mga raliyista na sumusuporta naman sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahilan para magkagirian ang dalawang grupo. Dito na napilitan ang mga pulis na itaboy sila pare-pareho at inabisuhan na magtungo na lamang sa Liwasang Bonifacio para doon ipagpatuloy ang kanilang programa.
Nasa 220 tauhan ng Manila Police District (MPD) ang itinalaga sa iba’t ibang bahagi ng siyudad partikular sa Plaza Miranda upang magpanatili ng katiwasayan.
- Latest