P30 milyong smuggled frozen chicken, nakumpiska ng BOC
MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit P30 milyong halaga ng mga smuggled agricultural at poultry products ang nakumpiska at napigilang makapasok sa bansa ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Manila International Container Port (MICP).
Nabatid na ang naturang shipment ay naka-consigned sa Lycan Consumer Goods Trading at nakalagay sa limang 40-footer containers.
Kaagad na isinailalim sa 100% examination ang naturang shipment matapos makatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service-MICP (CIIS-MICP) ng “derogatory information” na naglalaman ang mga ito ng frozen chicken products.
Si Customs Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro ang nakatanggap ng impormasyon na naging daan para sa paglalabas ng Pre-Lodgement Control Orders (PLCOs) ni District Collector Romeo Allan Rosales.
“We need to act fast if we want to catch up to these groups. My standing order is to not delay the issuance of needed documents that will allow our agents to do their jobs well,” ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, na kumondena sa pinakahuling smear campaign laban sa BOC.
Ang CIIS-MICP ang nangasiwa sa eksaminasyon sa shipment, na malaunan ay nakumpirmang naglalaman nga ng mga frozen peeled chicken breast, frozen skinless chicken breast, frozen skinless cut chicken, frozen peeled chicken breast, at frozen chicken skinless big breast.
Ang pagkakasabat sa shipment ay naganap sa gitna ng mga ulat na nagkakaroon ng kakapusan sa suplay ng karne ng manok sa pampublikong pamilihan at mga restaurant.
Inaasahan namang kaagad na magpapalabas si Rosales ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa shipment, habang ang Lycan Consumer Goods Trading at broker nito ay sasampahan ng kaukulang kaso ng bureau.
Anang BOC, ang naturang pinakahuling operasyon ay bahagi ng kanilang tuluy-tuloy na operasyon laban sa agricultural smuggling, kahit bago pa man isinumite ang report kay dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III kung saan pinapangalanan ang mga matataas na opisyal ng Customs bilang mga protektor ng agricultural smugglers.
Una nang binatikos ng isang opisyal ng BOC, na tumangging magpakilala, ang timing ng naturang ulat at ikinalungkot kung paano sinusubukang pabagsakin ng ilang grupo ang ahensiya, gayung matagumpay nitong napaganda ang imahe ng BOC, sa ilalim ng pamumuno ni Guerrero.
- Latest