Pediatric group, nababahala sa dengue
MANILA, Philippines — Nababahala na rin ang Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines sa mataas na kaso ng dengue sa bansa na kasamang dinadapuan ang mga kabataan.
Sinabi ni PIDSP President Dr. Fatima Gimenez na nagkukulang ang mga Pilipino sa kaugalian na palaging unahin ang kalusugan.
Kasabay ng umiiral pa rin na pandemya, sinabi ni Gimenez maaaring malito ang publiko sa sintomas ng COVID-19 at ng dengue na halos magkapareho lang.
Ayon sa Department of Health (DOH), kabilang sa sintomas ng dengue ang biglaang lagnat, sakit ng ulo, panghihina, sakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pananakit sa likod ng mata, walang gana sa pagkain, pagsusuka, diarrhea, at rashes sa balat.
“Ang pinakaimportante dyan ay vigilant kayo, kahit nasa bahay kayo you need to be aware that pwedeng hindi yan simpleng lagnat, kailangan i-monitor. Importante yon. Its starts with us. Hindi mo kailangan maging doktor,” giit ni Gimenez.
“Ang mga nanay, they are very good at saying may sinat, may lagnat ang anak ko mukhang ayaw kumain ngayon. Sa dengue ganyan usually unang araw pa lang bagsak na bagsak na ang bata walang appetite, they are highly febrile, these are the signs,” paliwanag pa niya.
Sa tala ng DOH, nasa 45,416 na ang kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 11.
Mas mataas ito ng 45% kumpara sa 31,320 kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
- Latest