Manila Bay Dolomite Beach bubuksan sa Independence Day
MANILA, Philippines — Bubuksan na ulit sa publiko ang Manila Bay Dolomite beach sa Hunyo 12.
Ayon kay Environment and Natural Resources (DENR) Acting Secretary Jim Sampulna, isasabay ang pagbubukas ng Dolomite beach sa pagdiriwang ng Independence Day.
Matatandaang bubuksan na sana ng DENR ang Dolomite Beach sa buwan ng Mayo subalit ipinagpaliban ito dahil may mga imprastraktura pa na kailangang tapusin sa lugar.
“We are excited to open the dolomite beach to the public again on June 12. This is the good legacy of the Duterte administration, that’s why we really aim to open it before President Rodrigo Roa Duterte’s term ends,” pahayag ni Sampulna.
Sinabi naman ni DENR Undersecretary for Policy, Planning, and International Affairs Jonas Leones, dumaan na ang 500-meter beach nourishment project, na sinimulan noong 2020, sa ulan, bagyo at baha ngunit matatag pa rin ito.
Idinagdag pa nito na kasabay ng pagbubukas ng Dolomite Beach sa tabi ng US Embassy sa Maynila ang pagpapasinaya ng World War II Heritage Cannon sa Remedios area “to encourage patriotism among the public and to signify that the battle to cleanup Manila Bay is not yet over.”
Ang Heritage Cannon ay isa sa mga orihinal na kanyon noong World War II mula sa Fort Drum Island na matatagpuan sa may bukana ng Manila Bay.
Samantala, nilinaw ni Manila Bay Coordinating Office Executive Director Jacob F. Meimban na ang muling pagbubukas ng beach ay para lamang sa pagpasyal, paglalakad at panonood ng sunset at hindi para sa paglalangoy sa kadahilanang ang water quality ay wala pa sa 100 most probable number per 100 milliliters (MPN/100mL) na standard fecal coliform level. - Ludy Bermudo
- Latest