2 babae na nagbebenta ng vaxx card, timbog
MANILA, Philippines — Dalawang babae ang inaresto ng mga awtoridad matapos ang ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad dahil sa pagbebenta ng mga pekeng vaccination cards sa Marikina City.
Ang mga suspek ay nakilalang sina Rovelyn Lebores, 37, computer shop attendant, residente ng Blk 39. Farmers 1 St., at Alma Ramirez, 43, ng Blk 42 Mais St., kapwa sa Brgy. Tumana, Marikina City, ayon sa pulisya kahapon.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), ang mga suspek ay naaresto ng mga tauhan ng Marikina City Police Station (CPS) Task Force Greyhound noong Biyernes ng hapon sa entrapment operation sa isang computer shop na kanilang pinagtatrabahuhan sa 39 Farmers 1 St., Brgy. Tumana.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad mula sa confidential informant na ang naturang computer shop ay gumagawa ng mga pekeng vaccination cards kaya’t kaagad nagsagawa ng operasyon na ikinaaresto ng mga suspek.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa operasyon ang isang set ng computer na ginagamit ng mga suspek sa kanilang ilegal na aktibidad, gayundin ang ilang kopya ng mga pekeng vaccination cards na ipinagbibili nila sa halagang ?250.
- Latest