Gobyerno ‘di maluluging bawasan ng 50% ang buwis sa langis at kuryente – Isko Moreno
MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ni Manila City Mayor Isko Moreno na walang pagkalugi ang pamahalaan kahit na kaltasan ng 50% ang buwis sa langis at kuryente.
Sa pagbisita kahapon ni Moreno sa dalawang pabrika sa Pampanga, sa pagtapyas sa naturang mga buwis, higit na makikinabang ang mamamayan dahil sa matitipid nila sa gasolina, pamasahe, at bayarin sa kuryente.
“Sa totoo hindi malulugi ang gobyerno. Sabi ng Department of Finance (DOF), malulugi ng P130 billion ang gobyerno. Pero ang P130 billion, tangan-tangan na ng tao, ng pabrika, ng magsasaka, ng mga tsuper,” ayon kay Moreno.
Mas mainam na umano na mapunta ng diretso ang P130 bilyon sa tao kaysa sa gobyerno na ibubulsa lamang umano ng mga politiko.
Sinabi pa niya na kung may P5 trilyong taunang budget ang gobyerno at P800 bilyon ang ibinabayad sa utang-panlabas, nasa P4.2 trilyon pa ang pera ng pamahalaan. Kung ibabawas ang P130 bilyon, higit sa P4 trilyon pa ang matitira.
Pero kung malulugi umano ang gobyerno, wala umano siyang pakialam kung nakinabang naman ang taumbayan na siyang ipinangakong pagsisilbihan ng gobyerno.
Idinagdag pa niya na kung makakatipid naman ang mga negosyante dahil sa kaltas sa buwis sa langis at kuryente, walang magsasarang pabrika at patuloy na magkakaroon mga trabaho ang tao kahit na nasa pandemya ang bansa.
Inihalintulad niya ang sakripisyong ito sa Maynila na kinansela niya ang mga proyekto sa kalsada at ibinuhos ang pondo sa pagpapakain sa 700 milyong pamilya sa Maynila sa loob ng anim na buwan.
- Latest