Kura paroko ng San Agustin Church at madre na pasimuno ng Baguio ube jam, kapwa pumanaw
MANILA, Philippines — Nagluluksa ngayon ang Simbahang Katoliko sa bansa makaraang pumanaw ang kura paroko ng San Agustin Church dahil sa COVID-19 habang nasawi rin ang madre na siyang “utak” ng pamosong ube jam sa Baguio City.
Sa ulat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), nalagutan ng buhay ang 45-taong gulang na si Augustinian Fr. Arnold Sta. Maria Cañoza makaraang dapuan ng COVID-19.
Dahil dito, isinailalim sa lockdown umpisa nitong Linggo ang simbahan at sinuspinde na ang lahat ng aktibidad at operasyon. Magpapasabi na lamang ang simbahan kung kailan ito muling bubuksan sa publiko.
Pumanaw rin sa edad na 102 taong gulang si Sister Fidelis Atienza, ang sinasabing utak ng sikat na Good Shepered ube jam. Nabatid na nalagutan ng buhay sa loob ng Religious of the Good Shepherd (RGS) Community sa Quezon City si Sr. Fidelis makaraan ang 66 taong pagsisilbi sa simbahan.
Dekada 60 nang umpisahan ni Sr. Fidelis ang Marian Bakery at taong 1976 nang ipakilala niya ang ube jam na naging “best seller” ng kanilang kumbento sa Baguio.
- Latest