50 illegal settlers nailigtas sa gumuhong pader
MANILA, Philippines — Nakaligtas sa posibleng kapahamakan ang nasa 50 illegal settlers na nakatira sa gilid ng isang abandonadong gusali makaraang bumagsak ang pader nito dulot ng matinding pag-ulan at malakas na hangin, kahapon ng madaling araw sa Ermita, Maynila.
Sa ulat ng nakarating kay Manila Chief of Staff Cesar Chavez, pasado alas-2 ng madaling araw nang maganap ang pagguho ng pader ng gusali sa kanto ng MH Del Pilar Street at Santa Monica, Brgy. 668, Ermita.
Nabagsakan ng mga debris ang mga bahay na ilegal na nakatayo sa gilid ng gusali at na-trap ang mga nakatira.
Agad naman na nagkasa ng rescue operation ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office at Department of Public Service (DPS) katuwang din ang Manila Police District (MPD).
Wala namang naiulat na malubhang nasaktan sa insidente at dinala ang mga nailigtas at evacuees sa simbahan ng Archdiocesan Shrine of Our Lady of Guidance sa Ermita para kanilang masilungan habang humahagupit ang bagyong Ulysses.
- Latest