Shop na gumagawa ng pekeng IATF IDs sa Recto, sinalakay
MANILA, Philippines — Arestado ang isang graphic artist at anim pang suspek nang salakayin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang shop na palihim na gumagawa ng pekeng identification card ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF), kahapon ng hapon sa Recto Avenue, Maynila.
Kinilala ang isa sa nadakip na suspek na si Johnny Perez Jr., 32, ng LRC Compound, CM Recto Avenue, Sta. Cruz, ng naturang lungsod. Biniberepika naman ang pagkakakilanlan ng anim niyang kasamahan na inimbitahan rin ng pulisya.
Sa ulat ng Sampaloc Police Station, ala-1:30 ng hapon nang kanilang salakayin ang isang shop sa may Recto Avenue makaraan ang intelligence report na palihim na gumagawa ng pekeng IATF ID ang mga tauhan nito na ipinagbibili sa sinuman na nais na makalagpas sa mga quarantine checkpoints ng pulisya lalo na ang mga motorista.
Dito nahuli sa akto si Perez na abala sa kaniyang computer habang dinampot rin ang anim na tao na inabutan sa loob ng shop. Kinumpiska ng mga pulis ang computer set, scanner, laminating machine, ID cutter at mga sample ng pekeng IATF IDs.
Nagbabala naman ang MPD sa mga bumili at gumagamit ng pekeng IATF ID na mahaharap rin sa kasong kriminal sa oras na matukoy sila at ang gamit nilang pekeng ID.
Nakaditine ngayon ang suspek sa Sampaloc Police Jail at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o Falsification of Documents at sa RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.
- Latest