Backpacks, hoodie bawal sa ‘Pahalik’ - PNP
15K PNP, AFP personnel kasado na sa Nazareno
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad mula sa ‘Pahalik’ sa Quirino Grandstand hanggang sa Traslacion at pagbabalik sa Quiapo church ng Poong Nazareno sa Huwebes, Enero 9.
Ayon kay Marbil, nakalatag na ang lahat ng kanilang mga seguridad kasunod mg pakikipagpulong sa local government units (LGUs), religious organizations, at iba pang stakeholders.
Kabilang dito ang pagbabawal sa paggamit ng backpacks at pagsusuot ng hoodie sa ‘Pahalik’.
Pinapayuhan ang mga magtutungo sa Pahalik at Traslacion na gumamit ng mga transparent na bag upang agad na makita ang nasa loob ng bag at iwasang magsuot ng hoodie upang makita at makilala ang lumalahok.
Maaari ring magdala ng tubig subalit kailangang nasa tumbler at huwag sa plastic bottle na makakadagdag pa sa mga basura
Sinabi ni Marbil na ikakalat ang mga pulis upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto habang nakaantabay at nakamonitor naman ang PNP Intelligence Group and Anti-Cybercrime Group (ACG) laban sa mga posibleng digital threats.
Sinabi rin ni Marbil na pinag-uusapan pa kung paiiralin ang signal jammer sa Enero 9. Sakali aniyang ipatupad, dapat na maintindihan ng mga deboto para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Samantala, nasa 1,000 personnel ang idedeploy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para tumulong sa puwersa ng pulisya sa pangangalaga sa kapayapaan at seguridad sa Piyesta ni Jesus Nazareno sa darating na Huwebes (Enero 9) ng taong ito.
Ayon sa AFP Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR), nasa 1,000 sundalo ang kanilang idedeploy partikular na sa Traslacion o prosesyon ng imahe ni Jesus Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church sa lungsod ng Maynila.
Napag-alaman na pakikilusin ng PCG ang mga nakahandang watercraft at rubber boats para magsilbing augmentation forces sa 14,000 mga tauhan ng PNP.
Inihayag ni Colonel Rommel Recinto, Deputy Commander ng AFP Joint Task Force -NCR ang kanilang mga idedeploy na tauhan ay composite team mula sa Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Marine Corps na titiyakin ang kaligtasan ng mga deboto sa isasagawang “Pahalik” sa Poong Nazareno sa Quirino grandstand.
Samantalang bukod dito ay magsasagawa rin ng pagpapatrulya ang mga sundalo sa ‘entry’ at ‘exit points “ sa buong Metro Manila para sa mga debotong magpapartisipa sa mga aktibidad sa Piyesta ni Jesus Nazareth.
Idinagdag pa ng opisyal na isang batalyon naman ng Marines ang naka-standby para sa deployment kung kailanganin pa ang karagdagang mga tauhan para sa sitwasyon ng emergency.
Inihayag naman ni PCG Spokesperson Commodore Algier Ricafrente na bukod sa mga personnel ay magtatalaga rin sila ng mga medical team sa mga designated area.
- Latest