4 BuCor official, sibak
Rambol sa Bilibid
MANILA, Philippines — Iniutos kahapon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagsibak sa pwesto at pagsasailalim sa preventive suspension sa apat na tauhan ng New Bilibid Prison (NBP) kabilang ang Acting Commander ng mga Guards kasunod ng insidente ng pananaksak sa compound ng NBP sa Muntinlupa City na nagresulta sa pagkamatay ng isang person deprived of liberty (PDL) at pagkasugat ng dalawa pa, noong Huwebes, Enero 2.
Sinabi ni Catapang na ang hakbang ay sumasalamin sa kanyang pangako na pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa loob ng penal system at upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa insidente kaya inalis sa pwesto at ipinataw ang pansamantalang suspensyon kina Chief Inspector Louie Rodelas, Shift Commander/Acting Commander of the Guards; Corrections Officers 1 Christian Alonzo, Joshua Mondres kapwa Keeper ng Building 8 at CO1 Glicerio Cinco Jr - Gate Officer, Gate 1 A.
Ang pangyayari nitong Huwebes ng umaga ay nagdulot ng malubhang alalahanin tungkol sa pagiging epektibo ng mga hakbang sa seguridad na inilagay upang maprotektahan ang mga PDL. Bagama’t naka-leave si Catapang sa insidente, mabilis siyang kumilos sa kanyang pagbabalik sa trabaho noong Sabado, na binibigyang-diin ang pananagutan na inaasahan mula sa mga correctional officer.
Binigyang-diin ni Catapang ang kritikal na papel na ginagampanan ng corrections officers sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga bilanggo, na isa sa kanilang mga pangunahing responsibilidad ay ang magpatibay ng mga proactive na hakbang sa seguridad na pumipigil sa mga nabanggit na marahas na pangyayari.
- Latest