Utol ni Sharon, inendorso ni Sara
MANILA, Philippines — Pormal na nakipag-alyado si Presidential daughter at Hugpong ng Pagbabago Chair Mayor Sara Duterte sa kapatid ni mega star Sharon Cuneta na si Pasay City Mayoralty candidate Chet Cuneta sa katatapos lamang nitong rally sa Philippine International Convention Center (PICC).
Hindi lamang si Chet Cuneta ang itinaas ang kamay ni Mayor Inday Sara kundi ang lahat ng kaalyadong kandidato ni Chet na sina Richard Advincula, na siyang Vice Mayor at mga konsehal sa dalawang distrito.
Ayon kay Chet Cuneta, ito ay pagpapatunay lamang na sa Pasay ay tunay siyang sinusuportahan ng pamilya ng Pangulong Digong, na kung saan ang pangulo na rin ang naghikayat sa kanya na pumasok sa pulitika sa pamamagitan ng pagtakbo ngayong election bilang ama ng lungsod ng Pasay.
Aniya, sumusunod siya sa mga alituntunin ng Commission on Elections (COMELEC) kaya naman sa ngayon, wala pa silang ginagawang anumang pangangampanya dahil sa darating na Marso 29 pa ang pormal na pagsisimula ng lokal.
Nagpasalamat naman si Mayor Inday Sara sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga taga-Pasay dahil halos umapaw ang venue sa PICC sa dami ng mga pumunta bilang pagpapakita ng suporta kay Chet Cuneta na pawang nakasuot ng pula.
- Latest