P5-M reward vs suspects na umambus sa QC brgy. captain
MANILA, Philippines — Itinaas ng Quezon City Council sa P5 milyon ang reward money sa sinumang makakapagturo at makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng mga suspect na dawit sa pamamaslang kay Bagong Silangan Brgy. Chairwoman Crisell “Beng” Beltran.
Umabot lamang ng mahigit 30 minuto at hindi na idinaan sa mahabang deliberasyon ang pag-apruba ng mayorya ng mga konsehal ng QC sa ordinance #PO20CC-538 na nagla-laan ng P3 milyon bilang reward money.
Si QC Councilor Alfredo Roxas na pangunahing may akda ng ordinansa ang nagbasa ng panukalang ordinansa na naglalaan ng P3 milyon pero nagpahayag ng mosyon si Majority leader Franz Pumaren at hiniling sa bumubuo sa Konseho na gawing P5 milyon ang reward money.
Mayorya ng mga konsehal ang pumabor sa mosyon ni Pumaren na naging dahilan para magbigay ng hudyat ang tumayong Presiding Officer Irene Belmonte na aprubahan ang ordinansa sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa kanyang panig, ipi-naliwanag ni QC Acting Mayor Joy Belmonte na bi-nigyang timbang ng konseho na maitaas sa P5 milyon ang reward money upang higit na mas mapadali ang paglutas sa krimen.
Sinabi rin ni Belmonte na kanyang ikinalulungkot ang nangyari kay Beltran na anya’y naging malapit sa kanya dahil sa palagiang pagtutulungan sa pagkakaloob ng serbisyo sa mga taga-Bagong Silangan na madalas na dumanas ng baha at nakakaranas ng sunog. Nanawagan din ng tulong sa publiko si Belmonte na makipagtulungan sa pulisya para sa ikadarakip ng mga suspek.
Hiniling din ni Belmonte na huwag munang mag-speculate ang ilan sa kung ano ang motibo ng krimen dahil ang lahat ng anggulo ay tinitingnan ng pulis.
Umaasa si Belmonte na sa pagtataas ng reward money ay agad na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Beltran.
- Latest