PNP colonel na nahuling nagsa-shabu, ‘nabubuwang’ na!
MANILA, Philippines - Dumaranas umano ng psychosis, isang seryosong mental disorder o ‘nabubuwang’ na sanhi ng sobrang ‘drug abuse’ si Supt. Lito Cabamongan, ang nasibak na Muntinlupa Crime Laboratory Chief na nahuli sa pot session sa Las Piñas City noong nakalipas na linggo.
Ito ang nabatid kahapon kay Chief Supt. Aurelio Trampe, director ng PNP Crime Laboratory base sa resulta ng pagsusuri kay Cabamongan.
“His neuropsychiatric test results showed that he has psychosis secondary to drug abuse”, pahayag ni Trampe.
Una nang lumitaw na positibo sa inisyal na drug test si Cabamongan na isinalang naman sa confirmatory test at kapag napatunayang gumagamit talaga ito ng droga ay isasalang na sa summary dismissal proceedings.
“He’s psychologically unfit, technically wala na siyang kawala”, ani Trampe na sinabi pang kabilang ito sa mga pangunahing rekisitos ng mga opisyal at tauhan ng PNP.
Nakatakda namang ipalabas sa mga susunod na araw ang resulta ng confirmatory drug testing laban kay Cabamongan.
Sinabi ng opisyal na kapag napatunayang positibo sa confirmatory test si Cabamongan ay kaagad nilang isusumite sa PNP-Internal Affairs Service ang kanilang report at rekomendasyon para maisalang na ito sa summary dismissal.
Samantalang bukod dito ay may kasong sexual harassment si Cabamongan na isinampa ng isa nitong babaeng kasamahan sa Muntinlupa. Bukod pa sa panggugulo nito sa isang mall dahilan sa nais nitong manood ng sine ng libre.
Nabatid pa na may mga pagkakataon din itong nakikitang hubo’t-hubad na nagsasayaw sa ilang pampublikong lugar sa Alabang, Muntinlupa City.
- Latest