Bagong piyansa, itinumba
MANILA, Philippines – Isang bagong laya na robbery-hold-up suspect ang pinagbabaril ng tatlong hindi kilalang lalaki matapos itong makapagpiyansa kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Namatay noon din sanhi ng mga tama ng bala ng hindi mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Josereno Aguhar, 34, ng Block 24, Lot 24, Phase 2, Area 2, Kaunlaran Village, Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) nasabing lungsod.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ayon kay Police Sr. Supt. Dante Novicio, hepe ng Navotas City Police, naganap ang insidente alas-6:00 ng gabi.
Kasalukuyang naglalakad ang biktima sa Kitang Street, Area 1 at pagsapit nito sa panulukan ng Block 24, Lot 27, Phase 2, Dagat-Dagatan ng nasabing barangay ay hinarang ito ng mga nag-aabang na mga suspek.
Kaagad na bumunot ng baril ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima saka naglakad lamang para tumakas ang mga ito.
Nabatid na kalalaya lamang ng biktima nang magpiyansa ito matapos matagpuan sa wallet nito ang Certificate of Discharge mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Navotas City para sa mga kasong robbery, paglabag sa R.A 9262 o Anti Violence Against Women and their Children Act, slight physical injury, oral defamation at acts of lasciviousness.
Limang basyo ng bala ng hindi mabatid na kalibre ng baril ang narekober sa insidente kung saan hinala ng pulisya na may kinalaman sa kinasasangkutang mga kaso ang naganap na pamamaslang dito.
- Latest