Kasong murder, frustrated murder ibinasura vs anak ng may-ari ng Ergo Cha milk tea house
MANILA, Philippines – Matapos ang walong buwang pagdinig, ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng Maynila ang kasong murder at frustrated murder na inihain laban kay Lloyd Kevin Abrigo, ang anak ng may-ari ng Ergo Cha milk tea house na naging sanhi ng pagkalason ng tatlo katao noong Abril.
Batay sa 9 na pahinang desisyon na may lagda ni Assistant City Prosecutor Dennis Aguila, nakasaad na bagamat nakikisimpatiya ang piskalya sa mga biktima hindi naman ito maaaring pagbatayan sa kaso.
Walang nakitang pro-bable cause o sapat na dahilan para kasuhan si Abrigo, makaraang mabigo ang pamilya ng mga biktima na patunayang ang akusado nga ang naghalo ng toxic chemical sa inumin.
Hindi rin napatunayan na may motibo si Lloyd at sadyaing lasunin ang mga kostumer dahil hindi niya ito kilala, boluntaryong isinuko ni Abrigo ang kanyang sarili sa imbestigasyon maging ang mga ebidensya kabilang ang CCTV ng tindahan.
Kahit reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injury ay hindi pwedeng ikaso kay Abrigo.
Matatandaang dalawa ang nasawi at isa ang naospital sa pag-inom ng Ergo Cha Milk tea noong umaga ng Abril 9, 2015
Sa CCTV, nakitang bumili ng milktea ang magkasintahang sina Arnold Aydalla at Suzaine Dagohoy.
Inireklamo ni Dagohoy ang pangit na lasa ng milk tea kaya ito tinikman ni Aydalla. Kasunod nito ay ang pagbulagta ni Dagohoy. Namatay si Dagohoy habang nakaligtas si Arnold nang gamutin sa ospital .
Habang sa loob ng tindahan, tinikman din ng may-ari na si William Abrigo ang gina-wa niyang milk tea na dahilan ng kanya ring pagkamatay
Sa pagsusuri ng food and drug administration sa natirang sample ng milk tea lumabas na nahaluan ito ng oxalic acid na kalimitang ginagamit na cleaning agent o panlinis ng bato, kahoy at bakal.
- Latest