Driver, todas sa live wire
Poste ng kuryente hinawakan
MANILA, Philippines — Binawian ng buhay ang isang driver matapos na aksidenteng makahawak ng live wire nang umakyat sa poste ng kuryente sa Tondo, Manila kahapon ng madaling araw.
Hiwa sa ulo, mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil sa pagkakakuryente ang ikinasawi ng biktimang si Robert Madayag, 30, residente ng Purok 3, Isla Puting Bato, Tondo.
Lumilitaw sa ulat ni PSSg Bryan Silvan, ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, na alas-12:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Isla Puting Bato, sa Tondo.
Sa hindi pa batid na dahilan ay umakyat umano ng poste ng kuryente ang biktima subalit minalas na makahawak ng isang live wire kaya’t nakuryente at malaunan ay binawian ng buhay.
Nabatid na ang biktima ay kabilang sa mga nasunugan sa Isla Puting bato noong nakaraang linggo kaya’t hanggang sa kasalukuyan ay wala pang kuryente sa kanilang lugar.
- Latest