Operasyon ng Dagupan bus , sinuspinde ng 30 days ng LTFRB
MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw ang operasyon ng Dagupan bus na may rutang Cubao, QC- Dagupan Pangasinan at vice versa.
Ito ay bunga ng pagkakasangkot ng isang unit ng bus ng Dagupan (WQK- 485) sa isang madugong aksidente sa may Subic SCTEX sa Brgy. Dolores Mabalacat Pampangga noong alas- 4 ng madaling araw ng May 10, 2015.
Kahapon, hindi sumipot ang may-ari ng Dagupan bus sa paunang itinakdang hearing ng LTFRB hinggil dito kung saan ang complainant ay isang Romeo Nuñez Larigo, ama ng pamilyang biktima sa aksidente.
Sa aksidenteng ito, tatlong bata na anak ni Larigo ang namatay at maraming iba pa ang nasugatan nang salpukin ng Dagupan bus unit ang sinasakyan ng mga biktima.
Ang unit ng bus na sangkot sa aksidente ay nakapaloob sa franchise no. 76-27095 na may kasama pang 30 units na kasama sa suspension order.
Kaugnay nito, inutos din ng LTFRB board na isailalim sa road worthiness test ang lahat ng sasakyan ng Dagupan bus sa LTO Motor Inspection Service, pagsasailalim sa drug test at Road Safety seminar ng mga driver at konduktor ng kompanya partikular ang nakapaloob sa franchise. Pinasusurender rin ng LTFRB ang mga plaka ng bus units at pinasusumite ang OR- CR ng naturang mga sasakyan.
Inutos din ng LTFRB board ang pag-impound sa mga bus unit ng Dagupan.
- Latest