Health benefits sa mga padyak driver, sagot ng KABAKA
MANILA, Philippines - “Ang inyong puhunan ay ang inyong kalusugan, kung kaya’t dapat ninyo itong pag-ingatan!”
Ito ang naging mensahe ni 5th District Congressman Amado S. Bagatsing sa isinagawang General Assembly ng San Marcelino, U.N. Avenue, Paco, Romualdez, Ermita, Medoza, Otis Tricycle Operators & Drivers Association, Inc. (SUPREMO TODA), grupo ng mga pedicab drivers na siyang bumabiyahe sa mga lugar ng Ermita, Paco, Pandacan at Malate, Maynila.
Ayon sa kongresista na ngayon ay nasa ikatlong termino, bukod sa matinding hirap, sakripisyo, at panganib sa lansangan, batid umano niya na kakarampot lamang ang kinikita ng mga padyak drivers kung kaya’t hinikayat nito ang pedicab drivers sa lungsod ng Maynila na samantalahin ang libreng health benefits na ipinagkakaloob niya kasama ang Kabalikat ng Bayan Sa Kaunlaran Foundation o KABAKA para sa mga Manilenyo.
“Kayo ang gumagawa ng inyong bukas, inihahain lamang natin sa inyo ang ating mga programa at proyekto kasama ang KABAKA. Hangga’t patuloy ninyong pinagkakatiwalaan ang inyong lingkod at ang KABAKA ay patuloy nating ibibigay sa mamamayan ng Maynila ang mga programa na tutugon sa pangangailangan ninyo,” paliwanag ni Bagatsing.
Samantala, kasabay nito, pinaki-usapan rin ni Bagatsing ang mga pedicab drivers na maging bahagi ng solusyon ng lumalalang problema ng traffic sa Maynila. Anito, “batid nating lahat na dahil sa kakulangan ng pamamahala ng ating local government, ang ating lungsod ay isa sa dumaranas ng matinding problema sa trapiko, kung kaya naman nakikiusap ako sa inyo na kung maaari, lahat tayo ay maging bahagi ng solusyon kesa maging parte ng problema. Tayo na ang humikayat sa ating mga kasapi o kasamahan na alam nating sumusuway sa mga batas trapiko sa lansangan,” sambit pa ni Bagatsing.
Si Bagatsing na anak ng dating alkalde ng Maynila na si Mayor Ramon D. Bagatsing, ay isa sa mga nagpahayag na tatakbong alkalde ng lungsod sa darating na 2016, bitbit ang kanyang mga programa sa KABAKA para sa mga Manilenyo para sa “Bagong Maynila.”
- Latest