Bus terminal parurusahan ng LTFRB
Magpapabayad sa paggamit ng CR
MANILA, Philippines — Parurusahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operators ng mga bus terminal sa bansa partikular sa Metro Manila kung patuloy na maniningil ng bayad sa mga pasahero na gumagamit ng kanilang toilet.
Ito naman ang sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz bilang tugon sa pahayag ni Senator Raffy Tulfo na dapat ay libre ang paggamit ng mga pasahero sa mga pasilidad ng mga bus terminal tulad ng CR.
Nadiskubre ni Tulfo ang paniningil ng bus terminal sa mga gumagamit ng CR nang umikot ito sa mga terminal ng bus noong Undas.
Sinabi ni Guadiz na bukod sa libreng paggamit ng CR sa mga bus terminal, dapat din anyang may global navigation satellite system (GNSS), closed-circuit television (CCTV) na gumagana sa 72-oras ang operasyon, may valid fire extinguisher, first aid stations, stop over at may approved security plan.
May parusa rin aniyang ipapataw sa mga bus terminal na ipinagagamit ang establisimyento sa mga colorum at dapat ay mayroon ditong walk-through metal detectors o handheld metal detectors para sa kapakanan ng mga commuters.
“The terminal requirements must be strictly followed in order to provide our passengers a reliable, safe, accessible, environment-friendly, dependable, efficient, and comfortable public transportation throughout the country,” sabi ni Guadiz.
- Latest