Lider ng carnap group, utas sa engkuwentro
MANILA, Philippines – Isang pinaniniwalaang lider ng sindikato ng carnapping ang napaslang ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa isang engkuwentro, kahapon ng hapon sa naturang lungsod.
Kinilala ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante ang napaslang na si Jesus Betshaida, alyas “Isong”, lider ng grupong ‘Betshaida robbery-carnapping group’ na responsable sa serye ng panghoholdap at carnapping ng mga taxi.
Sa ulat, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Anti-Carnapping Group ng Caloocan Police North Extension Office sa Phase 9 sa Brgy. Bagong Silang dakong alas-12:10 ng gabi makaraang makatanggap ng impormasyon ukol sa presensya ni Betshaida sa lugar.
Natiyempuhan naman ng mga pulis ang suspek ngunit agad umano itong nagpaputok habang tinatangkang tumakas. Nagkaroon ng habulan at barilan hanggang sa masakote ang suspek at mapaslang sa palitan ng putok.
Nabatid na tatlong taxi operators ang kumilala kay Betshaida na siyang tumangay sa kanilang mga taxi na pawang natagpuan sa hideout ng sindikato sa Brgy. Bagong Silang na mga chop-chop na. Karaniwang unang hoholdapin ng grupo ni Betshaida ang biktimang taxi driver at saka tatangayin ang sasakyan. Ibinibenta naman ang chop-chop na bahagi ng taxi sa mga buyer na walang alam na nakaw ang mga ito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang ibang miyembro ng grupo ni Betshaida upang madakip ang mga ito.
- Latest