Sa pagtupad sa Papal visit 2,600 tauhan ng MMDA, binigyang parangal
MANILA, Philippines – May 2,600 tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang binigyan ng parangal kahapon ni Chairman Francis Tolentino dahil sa ipinakitang dedikasyon ng mga ito sa kanilang serbisyo hinggil sa limang araw na pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Nabatid na merit badge at certificate of commendation ang iginawad na parangal ni Tolentino sa mahigit 2,000 tauhan nito.
Matatandaan na binubuo ang mahigit dalawang libong mga traffic enforcers ng ahensiya at mga tauhan nito mula sa Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG), Road Emergency Group, Public Safety Division, Metro Park Clearing Group, Traffic Engineer Center at Metro Base para tumulong sa pagbibigay ng assistance sa limang araw na pagbisita ni Pope Francis.
Hindi lamang nakatutok ang mga tauhan ng MMDA sa pangangasiwa ng maayos ng daloy ng trapiko habang naririto sa bansa ang Santo Papa kundi naging bahagi rin ang mga ito sa pagbabantay at seguridad ng Santo Papa.
Naging maagap na paglilinis ng mga ito sa mga iniwang kalat sa lansangan.
Ayon kay Tolentino, hindi naging madali ang trabaho ng kanilang mga tauhan na halos karamihan ay walang tulog at pahinga para lamang magawa ng maayos ang kanilang trabaho. Sa katunayan, ay nagkakasakit na ang ilan sa kanila dahil madalas naarawan at nauulanan kaya marapat lang bigyang pagkilala ang kanilang nagawa.
- Latest