Lalaki kalaboso sa panununog
MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang lalaki makaraan umanong sunugin nito ang kanyang sariling barong-barong sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa ulat ni SFO2 Rosendo Cabillan ng Quezon City Fire station, ang suspect ay nakilalang si Ramiro Aque, 46, binata, walang trabaho ng Payatas A, sa lungsod.
Ayon kay Cabillan, si Aque ay inireklamo na rin ng kanyang mga kapitbahay na sina Cornelia Borja, Richard Balais, at Jane Agulin, dahil sa takot na maaring madamay sa sunog ang kanilang mga bahay.
Nag-ugat ang insidente nang masunog ang bahay ni Aque, ganap na alas-10 ng umaga sa may Interior San Miguel St., Payatas A, sa lungsod.
Pero, mabilis na nilamon ang barong-barong ni Aque na agad namang naapula matapos ng ilang minuto.
Sabi ni Cabillan, dalawang araw ang nakalipas ay narinig umano ng kanyang mga kapitbahay ang suspek na umano’y drug addict at minsan nang napa-rehab na nagbabanta na susunugin ang kanyang bahay.
Kahapon, bago magsimula ang sunog, nakita umano ang suspect na sumisigaw at nagwawala, bago nakitang nagsisiga ng kawad ng kuryente para kunin ang tanso nito, hanggang sa sumiklab ang sunog.
Inamin din anya ng suspect kay Cabillan na nakatira siya ng shabu, bagay na nagpalala sa sitwasyon ng kaso nito.
- Latest