2 karnaper tiklo
MANILA, Philippines – Dalawang karnaper ng motorsiklo at tricycle ang naaresto ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa magkahiwalay na insidente sa naturang lungsod, kamakalawa.
Kinilala ni Caloocan Police chief, Sr. Supt. Bartolome Bustamante ang mga naaresto na sina Jerickson Cueto, 22, walang trabaho at naninirahan sa #2006 Katamaan St., Brgy. 23, Tondo, Maynila at si Virgilio Pascual, alyas Bacotoy, 39, ng Sampalukan, Phase 9, Brgy. 176, Bagong Silang, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan Anti-Carnapping Unit, nahuli sa akto ni Dante Sotto, 37, ang suspek na si Cueto habang tangkang tangayin ang kanyang Honda Wave motorcycle (XI 1851) sa tapat ng kanyang bahay sa may MH Del Pilar St., 4th Avenue, Brgy. 11, ng naturang lungsod.
Pinasibad ng suspek ang motorsiklo ngunit nagsisigaw ang biktima sanhi upang harangin ng mga nagpapatrulyang barangay tanod at taumbayan kaya napilitan ang suspek na iwanan ang motorsiklo. Nagkaroon ng habulan hanggang sa tuluyang madakip si Cueto at pagtulungang gulpihin bago ipasa ang kustodiya sa pulisya.
Naaresto naman ang suspek na si Pascual makaraang ireklamo ni Wontychy Saim na tumangay ng kanyang tricycle. Sinabi ni Saim na ipinapasada niya ang tricycle sa suspek noong Nobyembre 6 ngunit hindi na naibalik ito.
- Latest