Ginang itinumba ng ex-convict
MANILA, Philippines - Patay ang isang 30-anyos na ginang na hinihinalang ‘tulak’ ng droga matapos itong barilin ng isang ex-convict dahil sa umanoy utang at onsehan sa loob ng isang sementeryo sa Pasay City, kamakalawa.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Marnile Bodejas, ng Mahogany St., Brgy. Santo Niño ng naturang lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan buhat sa kalibre .45 baril.
Samantala, nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga pulisya laban sa suspek na nakilala lamang sa alyas Saya, na nakulong ng ilang taon sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City dahil sa kasong robbery.
Lumalabas sa report na natanggap ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-4:27 ng hapon sa loob ng Sarhento Mariano Public Cemetery na matatagpuan sa panulukan ng Aurora Blvd. at Sgt. Mariano St., ng naturang siyudad habang nakaupo ang biktima nang lumapit ang suspect. Sinigawan muna nito ang ginang na biktima ng mga katagang “Yung silver kung kwintas nasaan na!, may utang ka pa sa akin” at saka bumunot ng kalibre .45 baril at pinaputukan ang ginang.
Duguang bumulagta ang biktima na agad na isinugod sa ospital, subalit namatay ito habang nilalapatan ng lunas. Matapos ang pamamaril ay mabilis namang tumakas ang suspek.
Sa impormasyong nakalap ng tanggapan ni Police Chief Inspector Joey Gofort, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), nabatid na bukod sa pagiging ex-convict, dati umanong bugaw sa area ng Rotonda, Pasay City ang suspek.
- Latest