5 miyembro ng ‘Tala robbery/ gun for hire gang’, tiklo
MANILA, Philippines - Limang pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na ‘Tala robbery/gun for hire gang’ ang nasakote ng mga awtoridad matapos salakayin ang hideout ng mga ito sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong ang dalawa sa mga naaresto na sina Kharil Angni at Ernesto Glema at isa pang hindi natukoy na pawang nasa hustong gulang.
Dalawa pa sa mga nasakote, ayon sa opisyal ay pawang mga menor de edad na itinago sa mga alyas na Tikboy at Mark.
Bandang alas-5 ng umaga nang salakayin ng pinagsanib na elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), Highway Patrol Group (HPG), Special Action Force (SAF), Regional Public Safety Battalion (RPSB) ang sampung kabahayan sa Phase 12, Brgy. 188 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Magalong, apat na warrant of arrest ang isinilbi sa grupo na sangkot sa robbery/holdup, carnapping ng mga motorsiklo, gun for hire at maging sa kidnapping for ransom kung saan ang payoff ay kadalasang ginagawa ng gang sa Brgy. Tala ng naturang siyudad.
Samantalang nabigo namang masakote ang lider ng grupo na pinaniniwalaang natunugan ang operasyon kaya mabilis na nakatakas.
Nasamsam rin sa operasyon ang P1.3- M cash, ilang sachet ng shabu at walong motorsiklo na gamit ng nasabing gang sa kanilang ilegal na aktibidades at mga armas na kinabibilangan ng isang M16 rifle at dalawang cal. 45 pistol.
Magugunita na ilang beses ng sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pugad ng nasabing gang nitong unang bahagi ng taon kung saan isa sa kanilang operatiba ang nasawi sa shootout.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Magalong ay 15 pang miyembro ng gang ang pakay ng manhunt operations ng mga awtoridad.
- Latest