Ordinansa sa riding in tandem, ipatutupad na sa Mandaluyong
MANILA, Philippines - Puspusan na ngayon ang ginagawang paghahanda at information dissemination sa Mandaluyong City kaugnay ng nalalapit na implementasyon ng bagong ordinansa hinggil sa riding in tandem.
Ayon kay Jimmy Isidro, public information officer ng Mandaluyong City government, nakatakda nang ipatupad sa Setyembre 4 ang Ordinance No. 550, na nagsasaad na tanging first-degree relatives lamang, tulad ng magulang, anak at kapatid, ang maaari o pinapayagang iangkas ng mga motorcycle riders sa kanilang motorsiklo.
Layunin aniya ng ordinansa na mabawasan ang mga krimen na ang gumagawa ay motorcycle-riding suspects. Sinabi ni Isidro na bagamat sa Setyembre 4 pa ang implementasyon ng ordinansa ay nanghaharang na rin ang mga awtoridad ng lungsod ng mga riding in tandem upang impormahan ang mga ito hinggil sa bagong batas.
Nilinaw naman ni Isidro na wala pang hulihang magaganap sa ngayon kundi information dissemination pa lamang aniya. Gayunman, pagsapit ng Setyembre 4 ay sisimulan na rin nila ang panghuhuli ng mga riding in tandem na hindi first degree relatives. Upang makaiwas naman sa huli ay dapat umanong magdala ng mga dokumento na magpapatunay na first degree relatives ang magkaangkas sa motorsiklo na parehong lalaki, tulad ng lisensya, identification cards, at mga birth certificates.
Hindi naman na umano kailangan pang magdala ng dokumento kung dalawang babae o isang babae at isang bata ang lulan ng motorsiklo.
“Nais lang ni Mayor Benhur Abalos na mapababa ang mga kaso ng pambibiktima ng mga riding in tandem kaya nagpatupad ng ganitong ordinansa,” paliwanag pa ni Isidro.
Ipa-pilot test sa loob ng anim na buwan ang ordinansa, na itinulad sa isang batas sa Colombia, at pagkatapos ay saka ito muling rerebyuhin.
- Latest