Obrero patay sa pamamaril sa QC
MANILA, Philippines - Patay ang isang construction worker makaraang pagbabarilin sa ulo ng hindi nakikilalang salarin sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si Guillermo Asentos, 43, ng Upper Nawasa, Brgy. Commonwealth dahil sa mga tama ng bala sa ulo at balikat, ayon kay PO3 Jaime de Jesus, imbestigador sa kaso.
Blangko naman ang imbestigador sa pagkakakilanlan ng salarin dahil walang nais na magsalita kaugnay sa insidente.
Ayon kay De Jesus, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Peacock St., malapit sa panulukan ng Commonwealth Avenue, Brgy. Fairview, ganap na alas-11:35 ng gabi.
Sabi ni Gemma Silvestre, purok leader ng barangay, nasa loob siya ng kanilang outpost nang isang concerned citizen ang humingi ng tulong sa kanya kaugnay sa isang pamamaril sa biktima.
Agad na nagtungo sa lugar si Silvestre kung saan umano niya naabutan ang biktima na nakahandusay sa kalye at naliligo sa sarili nitong dugo.
Ipinagbigay alam ang insidente sa otoridad para sa kaukulang desposisyon.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) lumitaw na ang biktima ay nagtamo ng apat na tama ng bala sa ulo at isa sa kaliwang balikat mula sa kalibre 330 baril.
Patuloy ang pangangalap ng impormasyon ng otoridad upang matukoy ang salarin sa krimen.
- Latest