Batang hamog, lasog sa 2 truck
MANILA, Philippines - Patay ang isang 14-anyos na batang hamog makaraang mabundol ng dalawang dambuhalang truck habang tumatawid sa bahagi ng Ortigas sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Senior Insp. Erlito Renegin hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 3, ang biktima ay walang pagkakakilanlan, maliban sa tawag na Akang, isang batang Hamog na mangangalakal ng basura sa lugar.
Nasa kustodiya naman ng PS3 ang mga nasangkot sa insidente na sina Ferdinand de Ocampo at Reynaldo Sareno, pawang mga driver trailer truck.
Nangyari ang insidente sa bahagi ng East bound lane ng Ortigas, ng lungsod, ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Bago ito, ayon sa isang saksi, nakita umano niyang inaasar ng biktima ang isang guwardiya sa kalapit na gusali at nang siya ay habulin ng huli ay bigla na lamang itong tumawid hanggang sa mabundol ng nasabing mga truck.
Sa tindi ng pinsalang natamo, halos mahati ang katawan ng biktima dahilan upang agad itong masawi. Tinangka pang tumakas ng mga driver pero napigilan lamang sila ng isang nagmalasakit na taxi driver at agad na nakatawag ng tulong sa mga nagpapatrulyang awtoridad.
Katwiran naman ng mga driver, hindi umano nila alam na may nasagasaan sila dahil bukod sa kanila ay may ilang pang truck na nagdaan sa naturang lugar. Gayunman, sabi ni Renegin, inihahanda na nila ang kasong isasampa laban sa mga driver habang nasa kanilang kustodiya.
- Latest