Riding-in-tandem kumana: 3 patay sa magkakahiwalay na lugar
MANILA, Philippines - Isang 61-anyos na lady trader at dalawa ang iniulat na nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaslang kinasasangkutan ng riding-in-tandem na kriminal sa lungsod Quezon, sa Maynila at Caloocan.
Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Editha Domingueto, negosyante, ng Brgy. Gulod sa Quezon City nang pagbabarilin ng dalawang hindi nakikilalang mga suspect lulan ng motorsiklo alas-6:30 kamakalawa ng gabi.
Nabatid na nakikipag-kuwentuhan ang biktima sa kaibigang si Letecia Miguel nang sumulpot mula sa likuran ang mga suspek at sunud-sunod itong pagbabarilin.
Sinasabing ang biktima ay nagpapa-utang ng pera at nagnenegsyo rin ng pag-aalaga ng baboy, na siya pinagtutuunang pansin ng gagawing pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.
Sa Caloocan (North) nasawi makaraang pagbabarilin din ng riding-in- tandem na suspects si Edison Gomez, 27, residente ng Bo. Concepcion, Tala, ng naturang lungsod kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na ulat, may binisita sa Phase 7-B sa Bagong Silang si Gomez at papasakay na sa kanyang motorsiklo dakong alas-8:30 ng gabi nang pumara sa kanyang tabi ang dalawang salarin lulan ng isang motorsiklo.
Agad na pinagbabaril ng lalaking nakaangkas sa motor si Gomez. Nang bumagsak, sinundan pa ito ng putok ng baril sa katawan upang matiyak ang kamatayan nito saka mabilis na tumakas.
Hindi naman mailarawan ng mga saksi ang mga salarin na kapwa nakasuot umano ng crash helmet at jacket. Inaalam din ng mga awtoridad ang motibo ng naturang krimen.
Samantala sa Maynila naman, nasawi rin ang seaman na si Danilo Alejo, 59, ng Tondo, Maynila makaraang pagbabarilin din ng tandem na suspects kamakalawa ng gabi.
Batay sa imbestigasyon alas-8 ng gabi habang sakay ng EILUJ taxi (TXV-173) ang biktima sa panulukan ng Honorio Lopez Blvd. at Rodriguez St. sa Balut, Tondo kasama ang kanyang pamilya nang bigla na lamang itong dikitan ng mga suspek. Dito ay binaril ng isa sa mga suspek ang biktima saka nagsitakas.
Nabatid na kauuwi pa lamang ng biktima mula sa Middle East noong Hunyo 23.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaslang. (Ricky Tulipat, Danilo Garcia at Doris Franche-Borja)
- Latest