Insidente ng sunog bumaba noong Marso – BFP
MANILA, Philippines - Sa kabila ng sunud-sunod na sunog, ipinagmalaki ng Bureau of Fire Protection ang pagbaba ng porsiyento ng nasunog na istraktura ngayong buwan ng Marso kumpara noong nakaraang taon.
Ayon sa BFP, noong 2013 ng Marso, nakapagtala sila ng insidente ng structural fire na aabot sa 646 kumpara sa 618 ng kasalukuyang taon. Mas mababa anya ito ng 4.33 percent.
Dagdag ng BFP, maging ang vehicular fire ay bumaba rin mula sa 57 na insidente noong nakaraang taon ay naging 42 na insidente na lamang ito ngayong taon.
Sa kabuuang 1,727 na insidente ng sunog ngayong March 2014, ang 934 dito ay non-structural fires, sabi pa ng kagawaran.
Base naman sa pinagsama-samang insidente ng sunog sa buong bansa, ang karamihan sa naging kaso ng sunog ay mula sa nasunog na damo na nagtala ng 767, nasunog na basura 147 at nasunog na kabundukan na nagtala ng 20.
Naniniwala si BFP officer in charge Chief Supt. Carlito Romero, na ang pagbaba ng sunog sa istraktura ay patunay na naging matagumpay ang programa at kampanyang ipinatupad nila sa bansa, partikular sa Metro Manila.
Umaasa si Romero na sa pamamagitan ng patuloy na programa tulad ng ugnayan sa Barangay para iwas sunog ay tuluyan nang mababaÂwasan ang insidente ng sunog hanggang sa matapos ang taong 2014.
Giit ng opisyal, bagama’t ang fire prevention month ay tapos na, patuloy ang paalala nila sa publiko na maging alisto at obserbahan ang kaÂligtasan at ang paraan para sa pag-iwas sa sunog.
- Latest