Parking libre sa mga Bgy. officials, empleyado ng city hall
MANILA, Philippines - Libre ang parking sa likod ng Bonifacio Shrine sa Maynila para sa mga barangay officials at empleyado ng Manila City hall.
Ito naman ang binigyan diin ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don Y. Logica kahapon bunsod na rin ng pagpapaluwag at pagsasaayos ng mga kalsada sa Maynila.
Ayon kay Logica, sumulat na siya sa Manila Parking Management (MAPMA) upang agad na maipatupad ang memorandum at mabigyan ng libreng parking ang mga barangay officials bago matapos ang buwan habang nagsimula nang ipatupad ang free parking para sa city hall employees.
Paliwanag ni Logica, dapat lamang na mabigyan ng maayos na paradahan ang mga empleyado at barangay officials bilang respeto at pagtugon sa kanilang pagbibigay serbisyo sa publiko.
Kailangan lamang aniyang magpakita ng ID ang sinumang barangay officials at empleyado bilang patunay.
Giit ni Logica, ang kanilang programa ay bahagi pa rin ng pagsasaayos ng mga daan sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
- Latest