Parak kritikal sa bundol ng bus
MANILA, Philippines - Isang pulis ang sugatan makaraang mabundol ng rumaragasang pampasaherong bus habang papatawid sa isang kalye pabalik sa kanilang mobile patrol car matapos magsagawa ng foot patrol sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Si PO3 Reynaldo Tumala, 52, nakatalaga sa Quezon City Police District Station 2, ay kasalukuyang inoobserbahan sa Quezon City General Hospital bunga ng mga iniinda nitong sakit sa buong katawan, partikular sa dibdib.
Ang driver ng bus na si Paulo Botin, 34, ay isinugod din sa ospital matapos na saktan ng mga nagmalasakit na taumbayan dahil sa pagtatangka nitong takasan ang biktima.
Sa ulat ni SPO3 Ronquillo Maaño, ng Quezon City Police Traffic Sector 6, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Congressional Avenue, corner Edsa, Brgy. Ramon Magsaysay, ganap na alas-9 ng gabi.
Bago ito, sakay ng mobile patrol car ay nagtungo ang biktima at kasamahan nito sa naturang lugar para magsagawa ng foot patrol.
Dito ay bumaba ng kanilang sasakyan ang biktima at naglakad lakad sa lugar, at makalipas ng ilang minuto ay nagpasya na itong bumalik.
Habang papatawid si Tumala sa Congressional road, pabalik sa kanilang mobile car, biglang sumulpot ang AdÂmiral bus (TWD-277) na binabagtas ang Edsa galing Cubao at nabundol ang una. Sa insidente ay pumailalim pa sa bus ang pulis at dahil sa umano’y aarangkada pa ang bus ay hinarang na ito ng mga nagmalasakit na taumbayan saka pinagbabato ang bus, bago hinuli ang driver nito at pinagbubugbog.
Kapwa isinugod ang pulis at bus driver sa nasabing ospital kung saan sila kapwa ginamot.
Sinasabing ang Admiral transport ay sister company umano ng Don Mariano Transit na sinuspinde kamakailan ng LTFRB ang prangkisa sanhi ng pagkakasangkot sa aksidenteÂ.
- Latest