Jeep nadaganan ng mixer: Coed pisak, 8 pa sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang estudyante habang walo pa ang nasugatan, matapos na tumagilid ang isang cement mixer saka dumagan sa isang pampasaherong jeepney sa southbound lane ng Araneta Avenue paglagpas ng Del Monte Ave. sa lungsod Quezon, kahapon.
Ayon kay SPO4 Raymundo Layug, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 1, nakilala ang nasawi na si Marie Cherry M. Inzon, 20, estudyante at residente sa Brgy. Central.
Habang ang mga sugatan naman ay sina Emilio Bruan, 69, at asawa nitong si Consuelo, 75, mga pedestrian; Romualdo Sillano, 41, traffic enforcer; at mga pasahero ng jeepney na sina Ana Marin Saldana, 23; Ernesto Lucas; Elizabeth Nacano; Raule Nunuez, at driver na si Romeo Caneto. Sila ay isinugod sa magkakahiwalay na ospital.
Nangyari ang insidente sa southbound lane ng Araneta AveÂnue. paglagpas ng Del Monte Avenue kahapon ng umaga. Sabi ni Layug, tinatahak ng cement mixer truck ng 10K Concrete Mix Specialist Inc. na minamaneho ng isang Reynald Guarte ang lugar nang bigla itong mag-preno pagsapit sa stop light.
Sinasabing hinabol ng mixer cement ang traffic lights, pero nag-stop sign sanhi para biglaang magpreno ito. Tiyempong sa pagpreno ng mixer ay nakahinto ang pampasaherong jeepney sa lugar, kaya sa biglaang preno nito ay tumagilid ito sa jeepney.
Dahil sa bigat ng mixer (ZPL-947), nayupi at nawasak ang bubungan ng jeepney (TVV-852) dahilan para tamaan ang biktimang si Inzon na noon ay pasakay sana sa jeepney.
Habang ang iba pang sugatan tulad ng mag-asawang Bruan ay naipit naman sa pagitan ng mixer at jeepney, at ang iba namang biktima ay sakay sa loob ng jeepney, sabi pa ni Layug.
Si Inzon ay nadaganan ng mixer kung kaya tumagal ng ilang oras bago tuluyang mahugot ang katawan nito ng mga rescue team ng Bureau of Fire Protection Special Rescue Operations at MMDA na gumamit na ng tow truck at crane.
Sa kasalukuyan, hawak na ng tanggapan ni Layug ang driver ng mixer, habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.
- Latest