Nasamsam na billboard/tarpaulin ng MMDA, ibibigay sa Pablo victims
MANILA, Philippines - Isang trak na puno ng mga nakumpiskang billboard/tarpaulin ang ipadadala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lalawigang tinamaan ng bagyong Pablo upang maging pansamantalang tent ng mga pamilyang nawalan ng tahanan.
Ang naturang mga tarpaulin ay ang mga nakumpiska ng MMDA sa kasagsagan ng kanilang kampanya na “Baklas Billboard”. Ipadadala ang mga ito sa mga bayan ng New Bataan sa Compostela Valley at Cateel, Davao Oriental.
Dahil sa naglalakihan ang naturang mga tarpaulin, maaari itong hati-hatiin upang magkasya para sa mga evacuees.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na nabubulok lamang ang naturang mga tarpaulin sa kanilang mga bodega at nararapat na mapakinabangan bilang tent ng mga biktima hanggang hindi tuluyang nagkakaroon ng panibagong tahanan.
Matatandaan na una nang nagpadala ang MMDA ng kanilang search and rescue teams para tumulong sa paghahanap ng mga nawawalang biktima at 2 unit ng water purifier para magbigay ng maiinom na tubig sa mga bayang sinalanta ng bagyo.
- Latest