Publiko hinay-hinay sa pagkain sa holiday season
MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Healthy Philippine Alliance ang publiko na maghinay-hinay lamang sa pagkain ngayong Kapaskuhan lalo’t kaliwat kanan ang mga Xmas party sa ngayon.
Ang HPA, isang network ng civil society organizations ay nagpayo sa publiko na hinay lamang sa pagkain ng marami lalo ng mga unhealthy food upang maiwasang tamaan ng non-communicable diseases (NCDs).
Ayon sa HPA, hangga’t maaari ay iwasan ang pagkain ng sobra ng mga mataas sa sugar content, maaalat at matataba dahil mataas rin ang tyansa nito sa mga sakit na gaya ng diabetes, heart disease, at cancer.
Ayon sa grupo, kadalasang tumataas ang heart attack cases tuwing holiday season.
Ipinayo ni Dr. Jaime Galvez Tan, dating Health secretary at convenor ng HPA, imbes na mag-overeat ay kumain lamang ng normal-sized serving at maglagay ng gulay sa pagkain.
Mas mainam din aniya kung piliin ang prutas na opsyon sa dessert.
Kaugnay nito, hinikayat rin ng HPA ang mga pamilya na ugaliing suriin ang nutrition labels ng mga binibiling ihahain ngayong Kapaskuhan.
“This way we can reject, at one glance, any food high in sugar, salt, or fats,”sabi pa ni Dr. Galvez Tan.
Pinaalalahanan din nito ang publiko na manatiling physically active, iwasan ang sobrang alak, paninigarilyo at matulog ng sapat para iwas sakit at ospital.
- Latest