1,280 kaso ng TB sa Tondo ikinaalarma
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkaalarma si dating Health Secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin sa pagtaas sa 1,280 ng mga residente na may sakit na tuberculosis sa Tondo, Manila.
“This is alarming. The government must take action against the increasing number of tuberculosis in the country,” pahayag ni Garin, base sa rekord ng Medicins San Frontieres (MSF).
Sinabi ni Garin na maging sa Iloilo ay may mga kaso rin ng TB kaugnay ng isinagawang Bantay Kalusugan sa lalawigan, ang medical misyon na pinangunahan ni Garin.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang lady solon dahil ang mga gamot para sa TB ay madalas na out of stock sa mga pampublikong medical facilities.
“Nakakabahala na kulang ang gamot para sa ganitong uri ng sakit. Tamang distribution at maaayos na sistema sa pagbibigay ng gamot ang kailangan upang matiyak na makakakuha ng sapat na gamot ang mga Pilipino,” ani Garin na sinabing dapat malunasan ang ganitong uri ng karamdaman bago pa man ito lumala at maraming mahawa.
Base sa rekord ng World Health Organization, tinatayang 10.8 milyon katao sa buong mundo ang dinapuan ng sakit na TB noong 2023.
Sa data naman ng US Agency for International Development, nasa 741,000 ang maysakit na TB sa Pilipinas simula 2021 kung saan 61,000 katao ang nasawi.
- Latest