8 Bilibid inmates hinatulan sa pagpaslang kay Jun Villamor
Matapos mag-plea ng guilty
MANILA, Philippines — Walong bilanggo sa Bilibid na pawang gang members ang hinatulang makulong at magmulta ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 matapos umaming may partisipasyon sa pagkamatay ng kasamahan nilang preso na si Jun Villamor, ang itinuturong ‘middleman’ sa Percy Lapid case.
“Considering the pleas of guilty of the present accused, the prosecution was able to prove the guilt of all the accused present beyond a reasonable doubt,” saad sa kautusan.
Sinabi ng korte na sina Mario Alvarez, Christian Ramac, Ricky Salgado, Ronnie Dela Cruz, at Joel Reyes, pawang kasapi ng Sputnik Gang, ay umamin ng guilty sa lesser offense of accomplice to the crime of murder. Sila ay sinentensiyahan ng pinakamababang pagkakakulong na anim na taon hanggang 14 na taon, walong buwan, at isang araw.
Ayon sa korte, inutusan din silang magbayad ng P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages, at P75,000 bilang exemplary damages sa complainant.
Samantalang ang mga akusadong miyembro naman ng Batang City Jail (BCJ) na sina Alvin Labra, Aldrin Galicia, at Joseph Georfo Joseph ay umaming guilty sa lesser offense of accessory to the crime of murder. Hinatulan sila ng pinakamababang pagkakakulong ng dalawang taon at apat na buwan hanggang walong taon at isang araw. Inatasan din ang tatlo na bayaran ang nagrereklamo ng P50,000 bilang civil indemnity, P50,000 bilang moral damages, at P50,000 bilang exemplary damages.
Inatasan din ng Korte sa National Bureau of Investigation (NBI) na ilipat ng kostudiya sina Galicia, Alvarez, Ramac, Salgado, Dela Cruz, at Reyes sa New Bilibid Prison NBP).
Magugunitang si Villamor na sinasabing ‘middleman’ sa pagkapaslang sa broadcaster na si Percy Lapid ay namatay sa NBP noong Oktubre 18. Ang autopsy na isinagawa ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ay nagpakita na ang kanyang mga labi ay may “history of asphyxia by plastic bag suffocation.”
- Latest