^

Bansa

P12-K 'bayad lugi' sa magsasaka itinulak kontra pagbuhos ng imported na bigas

James Relativo - Philstar.com
P12-K 'bayad lugi' sa magsasaka itinulak kontra pagbuhos ng imported na bigas
"Ang nagpapakain sa atin ay hindi pupwedeng walang makain," sabi ni Sen. Risa Hontiveros na nagtulak ng mungkahi ngayong Miyerkules.
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Nanawagan sa pamahalaan ang isang senador na laanan ng P12,000 kada magsasaka ng palay bilang danyos perwisyos sa pagkaluging tinamo nila mula nang ipatupad Rice Liberalization Law, na nagbunsod ng pagdagsa ng bigas mula sa ibang bansa.

Dahil dito, pinakamababa ang average farmgate price — ang presyong ibinabayad sa mga producer — ng palay sa loob ng walong taon, na sumadsad sa P15.35 kada kilo noong ika-25 ng Oktubre, ayon sa Philippine Statistics Authority. 

"Ang nagpapakain sa atin ay hindi pupuwedeng walang makain," sabi ni Sen. Risa Hontiveros na nagtulak ng mungkahi ngayong Miyerkules.

Setyembre nang sabihin ni dating Agriarian Reform Secretary Rafael Mariano sa Senado na binibili na ang palay sa P8 kada kilo sa ilang magsasaka.

Una nang naiulat na aabot sa tatlong milyong metric tons ang iaangkat na bigas ng Pilipinas ngayong 2019, mas mataas sa 2.5 million MT ng Tsina, dahilan para maging numero unong rice importer ang bansa sa mundo.

Ika-14 ng Pebrero taong 2019 nang pirmahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11203, na nagtanggal ng restriksyon sa bilang ng banyagang bigas na maaaring pumasok sa Pilipinas kapalit ng taripa.

"At ang katotohanan, sa likod ng ingay at kuro-kuro, kailangang-kailangan na ng mga maliliit na magsasaka ng tulong," dagdag ng senadora.

Ayon pa kay Hontiveros, nararapat lang na agarang mailabas at maibahagi ng P6.5-bilyong halaga ng cash assistance sa mga magsasaka ngayong taon.

Itinutulak din niya ngayon ang pambansang Rice-Subsidy Program kung saan diretsong bibili ang gobyerno ng palay sa mga lokal na magsasaka, na prepresyuhan ng 'di bababa sa P20.

Umaasa siya na mapatataas nito ang kita ng mga nagbubungkal ng lupa kasabay ng pagpapataas ng suplay ng local rice sa merkado.

Maliban dito, suportado rin daw niya ang pagtataas ng taripa at pagbabawal ng importasyon ng banyagang bigas, bagay na tinatawag niyang "dahilan ng krisis."

"Matindi man ang krisis sa palay at iba pang problema, sama-sama natin itong haharapin at sosolusyonan," sabi pa niya.

Itinutulak niya ito habang inihain naman sa Kamara ng Makabayan bloc ang House Bill 477 o Rice Industry Development Act para matamo ang rice self-sufficiency at hindi na umasa ang mga Pilipino sa rice imports.

50,000 lagda vs rice liberalization

Ilang araw matapos itaya ng United States Department of Agriculture na magiging top rice importer ang Pilipinas ngayong 2019, isinumite naman ng mga magbubukid, consumer at iba't ibang sektor ang kani-kanilang mga signature kay House Speaker Allan Peter Cayetano at Committee on Agriculture and Food Chairperson Rep. Wilfrido Mark Enverga

Umabot daw ng 50,000 ang pirma rito, na patunay ng kanilang pagtutol sa RA 11203.

Sinimulan ang petisyon ng rice watch group na Bantay Bigas, Amihan atbp.

Kinalap ang mga lagda mula sa mga top rice producing provinces, kabilang ang Nueva Ecija, Isabela, Pangasinan, cagayan, Iloilo, Camarines Sur, Tarlac, Leyte at iba pang mga lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, na suportado ang HB 477 ng Makabayan, pitong buwan na ang nakalipas nang mapatupad ang batas at dalawang cropping seasons na raw nalugi ang mga magsasaka.

Sa ngayon, tanging P15,000 pautang pa lang daw ang naibibigay sa mga nagbubungkal na nagmamay-ari ng isang ektarya pababa, maliban sa pangakong P5,000 "cash gift" sa Disyembre.

"Parang pulubi ang trato ng gobyerno sa ating mga magsasaka samantalang sila ang nagpapakain sa sambayanang Pilipino," ani Estavillo.

Aniya, "bulag" daw kasing sinusunod ni Pangulong Rodrigo Duterte ang commitment sa World Trade Organization-Agreement on Agriculture, kahit na nasasakripisyo na raw ang seguridad sa pagkain at self-sufficiency. 

"Hindi tayo dapat maging proud na number one rice importer tayo," sabi pa niya sa Inggles.

"Kabalintunaan ito para sa isang agrikulturalna bansa at insulta sa ating mga rice farmers."

AGRICULTURE

BANTAY BIGAS

RICE FARMERS

RICE LIBERALIZATION LAW

RISA HONTIVEROS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with