Aegis Juris alumnus 'guilty' sa pagtakip sa hazing kay Atio Castillo
MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang taon, isang miyembro ng Aegis Juris Fraternity ang nahatulang guilty ng Manila Metropolitan Trial Court nang pagtakpan ang hazing at pagkamatay ni Horacio "Atio" Castillo III.
Sa 27-pahinang desisyon, napatunayang nagkasala ng "obstruction of justice" si John Paul Solano kaugnay ng kinasapitan ng estudyante mula University of Santo Tomas noong 2017.
"Having given that untruthful statement and aware of the true events prior to having given the same, it shows that accused knowingly made a willful and deliberate assertion of a falsehood [on his supposed discovery of Castillo's body]," sabi sa dokumentong nilagdaan ni Judge Carolina Esguerra.
(Lumalabas na sinadyang magsinungaling ng akusado na natagpuan lang niya ang katawan ni Castilo kahit na alam niya kung ano ang totoong kaganapan noon pa.)
Haharap sa hanggang apat na taon, dalawang buwan at isang araw na pagkakulong si Solano dahil sa guilty verdict.
"At least totoo 'yung sinasabi namin... Napatunayan na talagang may sala sila sa obstruction. They concealed, they evaded prosecution for that. Talagang pinagtakpan nila [ang kaso]," sabi Carmina Castillo, ina ng biktima.
Gayunpaman, pinawalang-sala ng Branch 14 ng korte ang akusado sa kasong perjury.
'Natagpuan' lang daw si Castillo
Sa testimonya ni Solano noong ika-17 ng Setyembre 2017, sinabi niyang natagpuan niya ang katawan ni Castillo sa Balut, Tondo at isinakay ito patungong Chinese General Hospital, kung saan idineklara ang biktima bilang dead on arrival.
Pinasinungalingan naman ng mga otoridad ang mga pahayag ng akusado.
Iginiit niyang ginawa niya ang mali-maling mga pahayag dahil sa takot para sa kanyang buhay, kaligtasan at upang hindi madawit sa pagkamatay ni Castillo.
Inamin naman ni Solano na inutusan daw siya ni Arvin Balag, pinuno ng kanilang fraternity, na magsinungaling patungkol sa pagkamatay ni Atio.
"[W]e should remember na pumunta sila sa Novotel... nagpa-meeting sila [kung paano nila] pagtatakpan 'yung krimen," sabi naman ng ama ng biktima na si Horacio Castillo Jr.
Iba pang kakasuhan
Hindi pa naman dito nagtatapos ang paghahabol sa iba pang miyembro ng Aegis Juris na isinasangkot sa krimen.
"[H]opefully, we would file cases again doon sa mga kasama... even 'yung mga lawyers, 'yung mga involved sa coverup," sabi ng nakatatandang Horacio.
Atio’s parents welcome the conviction of Solano. They say the ruling confirms that there is a cover up in their son’s death. @PhilstarNews pic.twitter.com/Pu6zgWl3sg
— Kristine Patag (@kristinepatag) June 17, 2019
Matatandaang sumuko ang 10 miyembro ng kanilang fraternity sa National Bureau of Investigation matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kanila kaugnay ng paglabag sa anti-hazing law.
Dinidinig pa rin ang petisyon nilang makapaghain ng piyansa.
Ayon naman sa ina ng biktima, magandang unang hakbang na raw ito upang mabigyan ng hustisiya ang anak.
"[W]e're very happy with the conviction of the obstruction. This is our first step to a perfect conviction," sabi ni Carmina. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest