Ranggo sa PNP itutulad sa AFP
MANILA, Philippines — Suportado ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief, P/Director Oscar Albayalde ang panukala sa Kongreso na baguhin at igaya sa military ang ranggo na kasalukuyang ipinatutupad sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Albayalde na sa kabila na napakatagal nang ginagamit, patuloy na lumilikha ng pagkalito sa publiko ang kasalukuyang tawag sa mga ranggo ng mga pulis.
“Well, actually matagal na namin talagang ni-recommend at we were really asking the Congress na napakatagal na to put back yung old ranks namin dahil unang una hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi makaintindi doon sa ranggo,” ani Albayalde.
Kabilang sa mga ranggong patuloy na ikinalilito ng publiko ang ‘Inspector (Tinyente) na napagkakamalan pa ng mga inosente na inspektor ng bus at Superintendent (Lt. Colonel) na inaakala naman na superintendent sa paaralan.
Mas mapapadali umano ang pagtaguri sa kanila ng ordinaryong Pilipino kung gagamitin muli ang mga ‘military ranks’ na patuloy pa rin namang ginagamit ng publiko.
Matatandaan na inaprubahan na ng mga mambabatas sa House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang House Bill 5236 na layong muling uriin ang ranggo ng PNP unformed personnel at igaya sa ranggong ginagamit ng Armed Forces of the Philippines.
Sa oras na maprubahan ito, tatawagin na ang mga pulis na Private, Corporal (Kabo), Sergeant (Sarhento), Lieutenant (Tinyente), Captain (Kapitan), Major, Colonel, at General.
- Latest