MRT, 4 na beses nagka-aberya
MANILA, Philippines – Apat na ulit na nagkaaberya ang Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon sanhi upang mairita at maistorbo ang maraming pasahero nito.
Ayon kay MRT-3 General Manager Roman Buenafe, unang nagkaroon ng aberya ang isang tren dakong alas-4:49 ng madaling araw sa Quezon Avenue Station matapos na pumalya ang preno nito.
Sumunod namang nagkaproblema ang tren sa power supply dakong alas-6:27 ng umaga sa Shaw Boulevard Station.
Pagsapit naman ng alas-8:20 ng umaga ay nagkaaberyang muli ang preno ng isang tren sa North Avenue Station.
Dakong alas-10:25 naman ng umaga ng magkaroon ng static ang converter ng isang bagon ng tren sa Ayala Avenue.
Kaugnay nito, iniulat ni Buenafe na naitala nila kahapon ang pinakakaunting bilang ng train sets na bumiyahe sa MRT ngayong taon.
Aniya, nasa siyam hanggang 10-tren lamang ang bumibiyahe sa MRT-3 dahil sa mga naganap na aberya.
Ito’y kalahati ng dating 18 hanggang 20-train sets na bumibiyaheng tren upang mapagsilbihan ang daan-daang pasahero nito.
Inamin din ni Buenafe na nakadidismaya na at nakaalarma ang kasalukuyang sitwasyon ng MRT-3 at isinisi ito sa maintenance provider nito na Global APT.
- Latest