‘Staggered mall hours’, balak ipatupad ng MMDA
MANILA, Philippines – Imumungkahi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga mall operators ang planong pag-iba-ibahin ang mall operating hours para maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko lalo na ngayong holiday seasons.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino na sa ilalim ng pinaplantsa nilang staggered mall hours, babaguhin ang karaniwang alas-10:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi na operating hours.
Halimbawa, maaari anyang gawing alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi ang operasyon ng hilera ng mga mall sa isang lugar, habang sa ibang lugar ay maaaring mas late magbukas pero hanggang hatinggabi.
Ibinatay niya ito sa Bangkok at Singapore na aniya’y matagumpay na pinaiiral ang magkakaibang operating hours sa kanilang mga distrito.
Idinagdag pa ng MMDA chief na magkaroon ng “synchronization of mall operating hours”.
“’Pag ginawa po natin na sectional po ‘yung adjustment eh makaka-adjust din po ‘yung daloy ng trapiko in such a way na hindi sabay-sabay dadagsa ‘yung mga nanonood ng sine, ‘yung papasok sa eskwelahan sa loob ng mall, ‘yung naggo-grocery, ‘yung mga nagsho-shopping, ‘di pa ho kasali dun ‘yung mga nagwi-window shopping.”
Nais umano nilang maging maayos ang sitwasyon ng mga kalsada sa Kamaynilaan sa gitna ng Christmas rush kung saan daragsa na ang mga mamimili.
Sa linggong ito ay nakatakdang makipagpulong si Tolentino sa mga mall operators para ilatag ang kanilang plano.
- Latest