Oblivion ni Tom Cruise taob sa aksiyon ng Olympus…
Dalawang action films ang dinayo ng karamihan ng moviegoers nitong nagdaang linggo. ‘Yung isa na science fiction ay ang Oblivion ni Tom Cruise at ‘yung isa ay kay Gerard Butler, ang mas makatotohanang Olympus Has Fallen.
Alam ba ninyo na mas marami ang nag-unahang manood ng Oblivion pero nang lumabas ng sinehan ay parang wala lang nangyari? Ang mga nagbakasali naman sa suspense-thriller ni Gerard, na hindi masasaÂbing A-list star tulad ni Tom, ay manghang-manghang na epektibo ang kanyang pelikula. Mula umpisa hanggang matapos ay may dalang kabog sa dibdib!
Bukod sa mas kapani-paniwala ang Olympus at napapanahon pa, mas umaatikabo rin ang aksiyon dito kesa Oblivion. Nakapagtataka pa nga dahil ang direktor na nasa likod ng pelikula ni Tom na si Joseph Kosinski ang siya ring nagdirek sa TRON: Legacy at Rise of the Planet of the Apes na parehong magaling ang pagkakagawa.
Samantalang ang ilan sa mga idinirek ni Antoine Fuqua, tulad ng The Replacement Killers, King Arthur, at Tears of the Sun, ay hindi naman nagkaroon ng hype sa mga Pinoy. Parang katulad lang ng Olympus ngayon na underdog at low-profile ang dating pero ‘yun pa pala ang maraming pasabog, literal na pasabog.
Kaya sa pagkakataong ito ay po-focus na lang ako sa Olympus Has Fallen kung saan ibinuhos ng todo ni Gerard ang kanyang lakas at pati na rin pondo dahil isa siya sa mga producer.
Kung pagkatapos ng 300 ay halos nalimutan na ang aktor ng mga tao, dito sa ipinrodyus niya ay muli siyang tumatak. Macho na macho at ang maraming pogi points ang karakter niyang presidential guard na dating US Army Ranger — si Mike Banning. Si Mike ang nakatokang magbantay kay US President Ben Asher na ginagampanan ng nagbabalik ding si Aaron Eckhart. Pati na kay First Lady Margaret (Ashley Judd, nagbabalik din at cameo role pa) at sa anak nilang si Connor (Finley Jacobsen).
Nag-ala Lone Ranger si Mike dahil one-man army siyang lumusob sa White House na ang code ay Olympus matapos itong pasukin ng mga teroristang North Korean sa pamumuno ni Kang (Rick Yune). Nangyari ang lahat sa tulong ng traydor na kapwa US Secret Service agent niyang si Forbes (Dylan McDermott, matagal ding ‘di napanood).
Credible acting ang lahat at mararamdaman talaga ang tension ng mga karakter. Kabilang na si Morgan Freeman (na nasa Oblivion din by the way) bilang Speaker of the House na nag-acting president nang ma-hostage na ang kanilang presidente at pati na ang bise presidente; at si Angela Bassett sa role na Secret Service director na malaki ang tiwala kay Mike kahit may nauna nang trahedyang nangyari kay First Lady Margaret.
Pero ang pinakamagaling sa pelikula at may aliw factor ay si Melissa Leo na gumanap na Secretary of Defense. Eh kasi naman Oscar awardee pala siya. Patriotic to the highest level ang peg niya na kahit nabugbog na ni Kang ay nakapagtanong pa kay President Asher ng “How’s my hair?†at kahit kinakaladkad na ng nakahiga ay bumubuga ng mura sa mga terorista.
Masama mang pakinggan na mae-enjoy ninyo ang barilan ng presidential guards sa mga umatakeng Koreano na nagpanggap na mga turista at ang one-on-one combat ni Mike kina Forbes at Kang ay ‘yun talaga ang totoo. Habang kabado, minu-minuto ay enjoy naman sa ride kumbaga ang nakakapanood.
Hindi ko masyadong napansin na hawig daw sa Die Hard at 24 ang atake ni Gerard sa Olympus dahil mas naikonek ko pa sa Air Force One ang kalbaryo ng presidente habang ang bakbakan naman ni Mike ay malapit kina James Bond at Jason Bourne.
Kung ang hanap ninyo ay umaatikabong aksiyon na halos maka-alta presyon, habol na kung maaabutan pa ang Olympus Has Fallen sa ilang malalaking sinehan ngayong weekend!
* * *
May ipare-rebyu? E-mail:
- Latest