Mga kawad na ‘spaghetti’
MAPANGANIB ang dulot ng mga kawad na nagsala-salabat sa kalye. Karamihan sa mga kawad ay nakalambitin na at lubhang delikado sa mga motorista lalo sa gabi. Hindi nakikita ang mga nakalambiting kawad sapagkat kulay itim. Huli na para malaman ng motorista na nakasabit na sa sasakyan ang nakalaylay na kawad at sa isang iglap, mahahatak na ang buong poste na kinakakabitan. Ang pinakamapanganib ay kung sumabit sa leeg ng nagmomotorsiklo ang nakalaylay na alambre. Huli na para niya malaman na mabibigti siya ng kawad.
Noong nakaraang taon, nagkaroon nang malawakang brownout sa Binondo, Maynila nang magtumbahan ang mga poste ng Meralco. Ang dahilan: isang ten-wheeler truck ang sumabit sa mga nakalaylay na cable at internet wires sa lugar. Nakaladkad ng truck ang mga nagsala-salabat na kawad na naging dahilan para matumba at maputol ang mga poste ng Meralco. Ang lahat ng wires (mapa-cable, internet, at iba pa) ay nakakabit sa poste ng Meralco. Mas mataas lang ang kinalalagyan ng linya ng kuryente.
Dahil sa nangyaring pagbagsak ng poste ng Meralco, 24-oras na nawalan ng kuryente sa Binondo area. Nagdulot din ito ng matinding trapik sa lugar dahil sa pag-aalis ng mga posteng naputol at natumba. Naapektuhan ang negosyo sa Chinatown dahil sa nangyari.
Kamakalawa, inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon na nag-aatas sa local government units (LGUs) na i-regulate ang installation ng telecommunications at electric wires. Ang resolusyon ay ginawa para maiwasan ang panganib na idudulot sa publiko ng mga nakalaylay na kawad sa kalye.
Ayon kay Acting MMDA Chairman Romando Artes, malaking problema ang idudulot ng “spaghetti” wires sa publiko. Ang mga overloaded na poste ay posibleng tumumba at may mabagsakang residente. Magdudulot din ng trapik.
Nanawagan si Artes ng kooperasyon sa LGUs, telecommunication companies at utility firms para alisin ang mga nakalaylay na kawad. Magpapalabas umano ng information drive ang MMDA para makapaghanda ang mga residente sa isasagawa nilang cleanup.
Ang resolusyon ay sinuportahan lahat ng Metro mayors.
Matagal nang pinuproblema ang “spaghetti” wires at ngayon lamang pinagtuunan ng pansin ng MMDA. Sana totoo nang magkakaroon ng cleanup laban sa mga nagsala-salabat na kawad.
- Latest