EDITORYAL - May matino pa ring mga pulis
MARAMING pulis ang nasasangkot sa masamang gawain kabilang na ang pag-recycle ng droga at pagprotekta sa drug syndicate. Noong nakaraang Enero, inihayag mismo ni President Ferdinand Marcos Jr. na 177 opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang sinampahan ng kaso dahil sa illegal drugs. Ayon kay Marcos, pawang mga pulis sa National Capital Region (NCR) ang mga kinasuhan. Ang mga kaso nila ay kinabibilangan nang pagtatanim ng ebidensiya, illegal na pag-aresto at marahas na aksyon sa anti-illegal drugs campaign.
Noong Okt. 7, 2022, nakumpiska sa isang pulis ang 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa Tondo, Maynila. Nakilala ang pulis na si MSgt. Rodolfo Mayo. Nagre-recycle umano ng droga si Mayo.
Noong Agosto 2023, siyam na pulis ang puwersahang pumasok sa bahay ng babaing senior citizen sa Imus, Cavite at pinagnakawan ito. Inakusahan ng mga pulis na sangkot sa illegal drugs ang senior citizen. Winasak ng mga pulis na naka-civilian clothes ang pinto ng bahay at hinalughog. Wala silang search warrant. Bago umalis, tinangay ng mga pulis ang gulong ng motorsiklo, helmet, bag, relo, cell phone at iba pang gadgets sa bahay. Nahuli at sinibak na ang siyam na pulis.
May mga pulis din na walang habas kung mamaril sa sibilyan dahil lamang sa simpleng away. Ilang taon na ang nakararaan, isang lasing na pulis mula sa Quezon City ang malapitang binaril ang kapitbahay na babae. Kaaway ng pulis ang kapatid na lalaki ng kapitbahay. Nang hindi nakita ng pulis ang kaaway, ang kapitbahay na babae ang pinagbalingan at pinagbabaril.
Marami pang pulis na sangkot sa masamang gawain. Wala na yatang magandang balita mula sa mga miyembro ng PNP. Lahat ay “bugok”?
Noong Linggo, naaresto ng mga pulis mula National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang Chinese national sa Taguig City dahil sa pag-iingat ng mga baril. Tinangkang suhulan ang mga pulis ng P3 milyon pero tinanggihan ito.
Nakilala ang Chinese na si Haiqiang Su, 24. Nakuha sa kanya ang matataas na kalibre ng baril, mga bala, at luxury vehicles na nagkakahalaga ng P30 milyon.
Habang iniimbestigahan ang suspek, isang Jerry Mari Cheng ang dumating at may dalang dalawang paper bags na may lamang P3 milyon at tinangkang isuhol sa mga pulis. Tinanggihan ng mga pulis ang suhol at inaresto ang nagtangkang manuhol.
May mga matitino pa rin namang mga pulis. Ipagpatuloy sana ito para maisalba ang PNP. Maaari pang ibangon ang nasirang imahe.
- Latest