Batang babae na tinaguriang ‘Female Hercules’, kayang bumuhat ng 165 pounds na barbell!
ISANG siyam na taong gulang na batang babae sa India ang nag-viral dahil sa kakayahan nitong mag-deadlift ng 165 lbs o 75 kilos na barbell!
Unang napansin ang angking lakas ni Arshia Goswani noong 2022 nang hirangin siya bilang “India’s Youngest Deadlifter” dahil sa kanyang personal best na 45 kilograms.
Matapos parangalan ng India’s Book of Record, lalo pang pinagbuti ni Goswani ang kanyang weight training. Taon 2023 nang maging 60 kilograms ang kanyang personal best at nakapagtala siya ng Asian record para sa kanyang age class.
Ngayong 2024 pinag-usapan ang kanyang Instagram post kung saan mapapanood na kaya na niyang mag-deadlift ng 75 kilos.
Dahil doble ng kanyang body weight ang binuhat na barbell, maraming humanga at hindi makapaniwala sa lakas ni Goswani para sa kanyang edad. Pero hindi rin maiwan na may mag-alala para sa kalusugan ng bata. Ayon sa mga ito, baka maging hadlang ang pagbubuhat ng mabigat sa kanyang paglaki at pagtangkad.
Bilang isang certified weight training coach, pinabulaanan ng ama ni Goswani ang mga pangamba sa paglaki at pagtangkad ng kanyang anak. Sinabi nito na nagsagawa na siya ng extensive research at kumuha pa siya ng certification course para pag-aralan kung makakasama ba sa kanyang anak ang weight training. Ayon dito, hindi niya hahayaan na mapahamak at mapasama ang kalusugan ng kanyang anak.
- Latest