Puwede bang tanggihan ang paglipat sa ibang lugar?
Dear Attorney,
Maraming inalis sa kompanya namin. Ako naman ay inalok ng bagong posisyon pero kakailanganin kong lumipat sa malayong lugar. Kung hindi ko raw tatanggapin, kasama ako sa tatanggalin. Tama po ba na wala akong choice kung hindi tanggapin ang paglipat sa akin kung ayaw kong mawalan ng trabaho? —Jenny
Dear Jenny,
Karaniwan ay hindi maaring tanggihan ng empleyado ang pagpapalipat sa kanya sa ibang lugar lalo na kung ang tanging dahilan ng empleyado ay dahil ayaw niyang madestino sa malayo.
Ayon sa Korte Suprema sa Mendoza vs. Rural Bank of Lucban (G. R. No. 155421, July 7, 2004) at Benguet Electric Cooperative vs. Fianza (G. R. No. 158606, March 9, 2004), ang paglilipat sa mga empleyado sa ibang lugar ay management prerogative o karapatan ng employer kaya hindi ito labag sa batas basta hindi made-demote ang empleyado sa gagawing paglipat sa kanya sa ibang lugar at hindi mababawasan ang kanyang sahod at iba pang mga benepisyo.
Kaya kung hindi sumunod ang empleyado sa paglipat sa kanya sa ibang lugar ay maari itong tawaging insubordination na maaring maging dahilan ng kanyang pagkakatanggal sa trabaho.
- Latest